Thursday, June 28, 2012

US$1B PARA SA OFW, HINDI SA IMF!


Booth of Kanlungan Centre Foundation in Baclaran Church to
promote the ILO Convention 189. (Photo by Erwin Puhawan)

MARIING tinutuligsa ng Kanlungan Centre Foundation ang kahibangan ng pamahalaang Aquino na magpautang ng isang bilyong dolyar sa International Monetary Fund samantalang kinukuripot ang serbisyo para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Nararapat lamang na ibuhos sa mga OFWs ang mga serbisyong katumbas ng US$1 bilyon dahil malaking bahagi rin ng dollar reserves ng bansa ay galing sa remittances ng milyon-milyong Pilipino na nagtatrabaho sa 190 bansa.
Malaking tulong ang ganitong halaga upang maipagpatuloy ang pagpapatakbo ng sampung embahada at konsulado na balak ipasara ng pamahalaang Aquino. Malaking tulong ang pagkakaroon ng mga tanggapang ito upang kahit paano’y may matatakbuhan ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong.
Malaki rin ang katumbas na halagang ito sa pagpapauwi ng mga OFWs na stranded sa Bahrain, Kuwait, Malaysia, at Saudi Arabia, dahil wala silang pamasahe pabalik sa Pilipinas.
Malaking katumbas na halaga rin ang US$1 bilyon upang matugunan ang reintegration ng mga OFWs na naging biktima ng pag-aabuso, digmaan, human trafficking, at iba pang human rights violation.
Malaki ring katumbas ang US$1 bilyon upang mapaunlad ang kabuhayan sa Pilipinas at hindi mapilitang mangibang-bayan ang ating mga guro at propesyunal.
Marahil kung matugunan ang ganitong pangangailangan, na higit na marami pa kung tatanungin ang mga batayang sektor ng lipunan, maaari nang magpautang ang Pilipinas sa usurerong IMF. Subali’t hindi ngayon ang panahon.
Kung nakakaipon na ang Pilipinas, bakit hindi pa higit na palakihin ang reserve fund?
At bakit IMF ang magtatakda kung sino ang pauutangin ng Pilipinas at hindi? Gagamitin lamang ng IMF ang salaping ito upang lunurin sa utang ang mga bayang tulad ng Greece, Turkey, at Spain.
Sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga kabataang nagtatrabaho, nakakasuka ang kayabangan at pagiging arogante ng pamahalaang Aquino.
Sabagay, ganito naman yata ang mga hasyendero: inuunang suportahan ang mga usura at kapwa-hasyendero.
At papatunayan muli ng kasaysayan na hindi nagtatagal ang kayabangan ng mga hasyendero: itinutumba sila mula sa kanilang napakataas na pedestal.
Tutulan ang pagpapautang sa IMF! Ibuhos ang salaping-yaman ng bansa sa batayang sektor!
###

No comments:

Post a Comment