“SAGARIN
ANG PAGPAPATUPAD NG PANGAKONG PAGBABAGO:
ISULONG
ANG TUNAY NA PAG-UNLAD NG MGA OFW”
HABANG
nanganganib ang milyon-milyong OFWs, malamya pa rin ang rehimen ni Pangulong
Benigno S. Aquino III sa pagtatanggol ng karapatan at kagalingan ng mga overseas
Filipino workers.
Una, maligamgam ang pagtugon ng pamahalaang Aquino
sa pagtibay ng ILO Convention 189 o
ang Magna Carta for Domestic
Workers. Tunay ngang nangangako ang pamahalaan na ito’y tutugunan.
Subalit nananatili itong pangako.
Ikalawa, simbagal
ng pagong ang paglutas ng suliranin sa illegal recruitment at human trafficking
samantalang ipinagpapatuloy ang pagluluwas ng lakas-paggawa.
Mula ng
maipasa ang Anti-Trafficking Law noong 2003, halos 62 traffickers –o isang
kriminal pa lang kada taon–lamang ang nadakip. Upang magamit laban sa umaalsang
bayan ng Tsina, inalis ng Estados Unidos ang Pilipinas sa listahan ng mga
bansang garapal sa trafficking walong taon paglipas ng Anti-Trafficking Law.
Magkagayunman, hindi naman bumaba ang insidente ng trafficking sa bansa.
Ikatlo, imbis na pagtuunan ang pagresolba sa ugat
ng kahirapan ng bansa, ninais pa ng pamahalaang Aquino na pigain pa ang
natitirang kita ng mga OFWs laluna sa mga bansang sinalasa ng krisis ng
kapital. Halimbawa nito ay ang pagtangkang itaas ang PhilHealth premium.
Kinokotongan na nga ng OWWA ang OFW, gusto pang
makisawsaw ng PhilHealth sa gitna ng krisis sa Greece, Italy, Spain, at iba
pang bansang pinagtatrabahuan ng mga Pilipino.
At sa gitna ng mga digmaan at kaguluhan sa mga bansang
umaangkat ng manggagawang Pilipino, pinaglaruan pa ng pamahalaang Aquino ang
ideya na isarado ang mga embahada at konsulado sa Sweden, Spain, Palau, Saipan,
at Romania.
Sabihin nang inutil ang ilan sa mga ahensiyang ito
sa pangangalaga ng interes ng mamayang Pilipino, wala namang alternatibong
lugar kung saan maaaring makahingi ng tulong ang mga manggagawa sakaling
dumating ang oras de peligro.
Pinuntirya din ng pamahalaang Aquino ang kakarampot
na ngang Legal Assistance Fund ng DFA na balak bawasan ng sampung bahagdan.
Kinukuripot na nga, gusto pang pumiga ng
pamahalaang Aquino sa kita ng mga OFWs na nag-aambag na nga ng apat na
porsyento sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas sa pamamagitan ng
kanilang remittance o padalang pera.
Sa Araw ng Paggawa, hinahamon ng Kanlungan Center
Foundation Inc., sampu ng konstituwensiya nito, ang pamahalaang Aquino na:
1. TIGILAN ang pangungunyapi sa kapitalistang
interes nang sagad maitulak ang pagpapatupad ng ipinangako nitong pagbabago,
laluna para sa mga pamilya ng migranteng manggagawang Pilipino.
2. HIGIT na seryosohin ang pagresolba sa ugat ng
pagluluwas ng lakas paggawa ng Pilipino.
3. TUMINDIG sa hanay ng manggagawang migrante at
itulak ang kanilang interes
Napatunayan ng
kasaysayan na mahirap asahan ng manggagawa ang anumang rehimen na nakasandal sa
biyaya ng mga ganid na kapitalista.
Kaya’t
nananawagan ang Kanlungan Center sa mga OFWs na patibayin ang pagkakaisa at
iluwal ang kilusang panlipunan ng manggagawang migrante upang maitulak ang
pamahalaang Aquino na tuparin ang
pangakong proteksiyon at tunay na
kalinga sa mga OFW at kanilang kapamilya.
Sa pamamagitan
ng kilusang panlipunan (social movement) lamang tayo makakalaban sa pananalasa ng
salot na globalisasyon.
SAGARIN
ANG PAGPAPATUPAD NG PANGAKONG PANLIPUNANG PAGBABAGO!
ISULONG
ANG INTERES NG URING MANGGAGAWA!
KANLUNGAN CENTRE FOUNDATION INC.
No comments:
Post a Comment